SA gitna ng pananalasa ng bagyong Pepito, naglabas ng babala sa napipintong pagbaha ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa mga lungsod at munisipalidad sa paligid ng lawa.
Batay sa datos ng LLDA, pumalo na sa 12.71 meters – lampas na sa 12.5-meter critical level – ang antas ng tubig sa Laguna de Bay.
“Sa kasalukuyan, nanatili ang mataas na antas ng tubig sa Laguna Lake sa sukat na 12.71 metro at higit sa kritikal na lebel na 12.5 metro. Dahil dito, maraming mabababang lugar sa paligid ng lawa ang mayroon pa ring baha dulot ng mga nagdaang bagyo,” pambungad na pahayag ng naturang ahensya.
“Sa pagdating ng Bagyong Pepito, inaasahan ang mas matinding pag-ulan at hangin na maaaring magdulot ng higit pang pagtaas ng antas ng tubig.”
Bukod anila sa mga mababang lugar, posible rin umano lumubog ang iba pang hindi naman karaniwang binabaha.
“Maaaring maapektuhan maging ang mga lugar na hindi pa binabaha sa ngayon at magpahaba ng tagal ng pagbaha sa mga kasalukuyang apektadong lugar.”
Panawagan ng LLDA, maging handa sa agarang paglikas para maiwasan ang disgrasya — “Ang lahat ng residente, lalo na ang mga nakatira sa mabababang lugar o malapit sa baybayin ng lawa, ay pinapayuhan maging mapagmatyag. Mahalagang siguruhin ang kaligtasan ng inyong tahanan at ari-arian, gayundin ang paghahanda ng mga pangunahing pangangailangan. Ito ay kinabibilangan ng sapat na pagkain, malinis na tubig, mahahalagang gamot, at flashlight para sa emergency.”
“Bukod dito, mahalaga ring magkaroon ng malinaw na plano para sa posibleng paglikas at maging handa sa pagsunod sa anumang utos ng lokal na pamahalaan tungkol sa paglikas.”
