NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TALIWAS sa inaasahang pagtatapos ng “bakasyon” sa Kamara, hindi pa pwedeng umuwi sa kanyang tahanan ang punong katiwala ni Vice President Sara Duterte. Ang dahilan – extended ng 10 araw ang pananatili sa Batasan detention center si Atty. Zuleika Lopez.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, hiniling ni House Deputy Minority Leader Rep. France Castro na palawigin ang pagpiit kay Lopez sa Kamara.
Katwiran ni Castro, matabang ang testimonya ni Lopez na aniya’y panay iwas lang sa pagsagot sa katanungan ng mga kongresista hinggil sa paglustay ni Vice President Sara Duterte sa confidential funds na inilaan ng kongreso.
“By virtue of her conduct, the committee was deprived of invaluable information necessary to allow it to perform its role of crafting legislation for the improvement of the country’s system of governance and transparency,” ani Castro.
Hindi rin pinalampas ng militanteng kongresista ang pagpapakalat ni Lopez ng aniya’y maling kwento tungkol sa kanyang pagkakakulong, partikular na ang mga alegasyon na siya’y inabuso habang nasa kustodiya sa House of Representatives.
“So nakita nga natin ang attitude, behavior, at itong na-create niya (Lopez), na sinasabi niya na pagsisinungaling niya na hindi naman siya hinarass o hindi naman na-barge,” sabi pa ni Castro.
Si Lopez, unang ikinulong sa custodial center ng Kamara subalit inutos na ilipat sa Women’s Correctional sa Mandaluyong City dahil sa panghihimasok ni Duterte ay kasalukuyang nasa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City matapos magkaroon ng problema sa kalusugan.
Subalit nagawang dalhin ng kampo ng bise presidente na dalhin sa St. Luke’s Medical Center si Lopez at kinalaunan ay binalik din sa VMMC sa utos ni House Secretary General Reginald Velasco bilang konsiderasyon sa sinasabing medical condition.
Para kay Castro, dapat din ungkatin pa ng Kamara ang testimonya ni Lopez hinggil sa pagsibak sa mga opisyales ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan ni VP Sara.
“I move to extend the detention period of Atty. Lopez who has a history of evasive attitude and lying,” anang militanteng kongresista.
