KASABAY ng kumpirmasyon sa ad interim appointment at nomination ng 15 heneral at flag officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP), binigyan-diin ni Sen. Ronald dela Rosa ang kahalagahan ng pagkakaisa sa hanay ng militar para labanan ang tangkang pabagsakin ang pamahalaan – kung meron man.
Ayon sa former chief ng Philippine National Police (PNP), batid niya ang hirap ng mga opisyal dahil bilang sundalo, buhay ay nasa peligro habang ginagampanan ang sinumpaang tungkulin na protektahan ang bansa at mga mamamayan mula sa mga nais wasakin ang demokrasya, gayundin ang nagbabanta sa soberanya at territorial integrity ng bansa.
“Ang buhay ng bawat sundalo ay may kalakip na panganib sa kanyang tinatahak na landas. Kabalikat niya ang panalangin na ang mga hamon ng paglilingkod ay matagumpay na magbunga ng kapayapaan, at sanggalang sa kapahamakan. Nasa puso niya ang mataimtim na pananalig sa patnubay at pag-aaruga ng Poong Maykapal sa lahat ng pagsubok at dusa,” pahayag ng senador.
Pagtitiyak ni dela Rosa, siya’y kaisa ng AFP sa mahalagang gawain sukdulang ibuwis ang buhay upang matamasa ng lahat ang kalayaan at kaunlaran sa isang dakilang bansa.
Kabilang sa mga nakalusot na heneral at flag officers sa Commission on Appointments sina Bob Apostol – Brigadier General; Hubert Acierto – Brigadier General; Rosendo Abad Jr. – Brigadier General; Raul Tangco – Brigadier General (Reserve); Ronald Jess Alcudia – Brigadier General; Joseph Archog – Brigadier General; Adonis Ariel Orio – Major General; Juario Marayag – Rear Admiral; Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta – Vice Admiral; Florante Gagua – Rear Admiral; Michael Logico – Brigadier General; Jose Ambrosio Rustia – Brigadier General; Ferdinand Barandon – Brigadier General; Joseph Norwin Pasamonte – Major General; at Alan Javier – Rear Admiral.
Sa ginanap na committee deliberation, tinanong ng Mindanaoan senator si Lieutenant General Ferdinand Barandon, ang commander ng AFP Intelligence Command, kung may namonitor na destabilization plot laban sa gobyerno, na ayon naman kay Barandon ay wala.
Paalala ni Dela Rosa sa mga opisyal ng AFP, magkaisa at maging matatag sa paglaban sa anumang destab plots.
“It behooves upon the leadership of the Armed Forces to maintain solidarity. United Armed Forces. Siguruhin niyo na hindi kayo ma-penetrate diyan ng destabilizers or what. Kung meron mang destabilizer, siguruhin niyong magkaisa kayo. Hindi ‘yung hati-hati kayo para walang giyera,” ang sabi pa ng mambabatas.
