KUMBINSIDO si Senate President Francis Escudero na iligal ang pagpopost ng anumang screenshot ng usapan sa messaging app ng iba’t ibang social media platforms.
Sa ginanap na Kapihan sa Senado, tinanong si Escudero kung dapat mag-ingat ang publiko sa paggamit ng text message at screenshots.
Aniya, maaaring burahin ang mensahe o gumamit ang user ng disappearing messages, na ikalilito ng gumamit – “Ang problema ko dun sa disappearing messages, hindi ko na alam kung ano yung pinag-uusapan namin. Pag sumagot siya… tungkol saan ito ulit?”
Ayon sa lider ng senado, paglabag sa data privacy law ang pagpopost ng screenshots ng mensahe sa social media – “I think so as a lawyer I think so but, again, it’s an allegation that needs to be proven in court. Alegasyon siya,” wika ng abogadong mambabatas.
Binanggit din ni Escudero ang aniya’y “jurisprudence,” kung saan sinasabing bagamat ilegal, pwede pa rin gamitin ebidensya sa hukuman.
“Ngayon yung recent decision ng Korte Suprema kung papasukan niyo talaga ito, paglabag siya pero pwedeng gamitin bilang ebidensya kasi may prinsipyo sa korte na fruit of the poison tree na kapag sa illegal mo nakuha hindi mo pwedeng gamiting ebidensya,” anang senador.
“Pero gumawa ng exception ang Korte dito, pwedeng gamiting ebidensya sa criminal case hindi sa civil case. Para patunayan ang innocence or guilt ng akusado pero hindi sa isang civil case para makasingil o mabawi anumang ari-arian. So yung ang pagkakaiba nun,” ayon kay Escudero.
“Pinapreview sa akin ng asawa ko yung mga pinipirmahan niya pero walang bayad yung attorney’s fees,” ayon kay Escudero. “Wala namang mawawala na maging maingat sinuman. Na huwag masyadong manggigil ika nga. Dahil lamang may malaking kita na nakaamba sa kanila.”
Kamakailan, may panukalang batas na inihain sa senado para protektahan ang mga endorser na masasangkot sa investment scam. Pero para kay Escudero, sapat ang ang umiiral na batas hinggil sa nasabing usapin.
“Para sa akin, sapat yung batas. Ihiwalay mo ang ordinaryong endorser sa endorser na partner pa. Ang alegasyon ay alegasyon ha, remember complaints are allegations that need to be prove in court. So, ang alegasyon ay maliban sa endorser, partner, bahagi, kasama sa korporasyon o kumpanya,” aniya.
Ipinaliwanag pa ni Escudero iba ang isang endorser na aktibong nagbebenta ng shares o investments.
“Panibagong, ibang krimen yun violation yun ng revised securities act naman. Ulitin ko ha, ina-allege na nagbebenta diumano ng securities, ng shares sa isang kumpanya. Ang share sa isang kumpanya ay dine-define ng Revised Securities Act as a security na kailangan mo ng lisensya para doon bago mo magawa iyun,” paliwanag pa ng beteranong senador. (Estong Reyes)
