YAMAN din lamang hayagan na ang pagpapadala ng mga barkong pandigma ng China sa West Philippine Sea, hindi malayong irekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpakawala na rin ng gray ships sa maritime region na pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
“For the past three administrations, the Philippine Coast Guard has been chosen to be deployed to the West Philippine Sea because, for the past administrations, they believed it is de-escalatory, non-provocative,” wika ni Commodore Jay Tarriela na tumatayong PCG Spokesperson for the West Philippine Sea.
Taliwas naman aniya ang estratehiya ng China na gumagamit ng mga barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy sa pag-angkin sa mga teritoryong pasok sa exclusive economic zone ng bansa.
Aniya, namumuro na rin irekomenda sa Pangulo ng AFP ang pagpapadala ng barkong pandigma para palakasin ang presensya ng bansa sa teritoryong pilit aniyang inaangkin ng China.
Gayunpaman, nilinaw ni Tarriela na nasa kamay pa rin ng Pangulo ang pagpapasya bilang commander-in-chief ng bansa.
“So, it’s up to the AFP leadership. It’s the Commander-in-Chief that decides whether we are going to modify our response in the West Philippine Sea.”
Sa kaugnay na balita, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pamahalaan sa pinsalang tinamo ng barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Pagbuaya matapos ang suwagin ng ng hindi bababa sa limang barko ng China malapit sa Bajo de Masinloc noong nakaraang linggo.
“They have done this before. The only thing worth noting is that in the Dec. 4 incident, the PCG was shadowed by the PLA Navy warship,” sabi ni Tarriela. (Edwin Moreno)
