SA hangaring tuldukan ang nakaambang peligro sa buhay ng mga residente ng Metro Manila at mga karatig probinsya, naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang iba’t-ibang grupong nagtutulak ipatigil ang kontrobersyal na Manila Bay Reclamation.
Sa inihaing Writ of Kalikasan at mandamus, target ng grupong kinabibilangan ng mga aktibista at mangingisda panagutin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Reclamation Authority (PRA) sa anila’y mapaminsalang proyekto sa Manila Bay.
Giit ng mga mangingisda, lubhang apektado ng Manila Bay Reclamation project ang kanilang kabuhayan. Katunayan anila, bumagsak ng 80 porsyento ang kita kada araw mula nang simulan ang pagtatabon ng lupa sa laot.
Sa pagbagsak huli ng mga mangingisda, apektado rin umano ang programang sapat at abot-kayang pagkain na pinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong kumakandidato pa lang.
Garantiya ng mga aktibista, hindi titigil ang mga pagkilos – sa aspetong legal at sa anyo ng mga kilos protesta hanggang sa matauhan ang pamahalaan sa malaking pinsala at banta sa buhay bunsod ng patuloy na reclamation project.
Target din ng grupo ipakulong ang mga opisyales na nagbigay pahintulot sa naturang proyekto.
Sa datos ng grupo, lumalabas na mula 2019 hanggang 2023 (mga panahong umiiral ang Executive Order No. 74), 13 sa 25 reclamation applications sa Manila Bay ang inaprubahan ng PRA.
Binasbasan naman umano ng DENR ang Environmental Compliance Certificates (ECC), Area Clearances (AC), at seabed quarry permit.
