ASAHAN ang pag-alingasaw ng lungsod ng Maynila bunsod ng nagkalat na basura sa anim na distrito ng lungsod. Ang dahilan – tapos na ang kontrata ng pamahalaang lungsod sa Leonel Waste Management Corp.
Sa isang pahayag, nilinaw ng Leonel Waste Management Corp. na hindi naging pabaya ang kumpanya sa pangongolekta ng basura sa mga nakalipas na taon. Gayunpaman, wala na umano silang plano pang palawigin ang kontrata sa lokal na pamahalaan ng Maynila.
Katwiran ng kontratista, umabot na sa P561.44 milyon ang utang ng pamahalaang lungsod.
Anila, buwan ng Setyembre ng nakalipas na taon nang minungkahi ng Leonel Waste Management Corp. kay Manila City Mayor Honey Lacuna na maghanap na ng ibang kumpanyang mangangasiwa sa garbage collection services ng lungsod para sa 2025.
Di na rin umano sumali sa public bidding ang kumpanya.
“We are deeply concerned that news is circulating that we abandoned our duty with the City of Manila before our contract ended on December 31, 2024. We strongly refute this accusation, which grossly undermines the hard work and efforts of all our garbage collectors who we thank deeply for their outstanding service,” pahayag ng Leonel Waste Management.
Mayo ng nakaraang taon nang huling magbayad ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa Leonel Waste Management.
