PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na magbibigay-pagkilala sa hanay ng mga barangay health workers.
Sa isang kalatas, lubos na pinasalamatan ni Senador Bong Go ang mga kapwa mambabatas sa pinagtibay ng Senate Bill 2838 (Magna Carta of Barangay Health Workers Act) na aniya’y pambungad na hakbang ng pamahalaan para suklian ang sakripisyo ng mga tinawag niyang “frontliners.”
Ayon kay Go na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health and Demography, napapanahon na rin aniyang isulong ang kapakanan ng mga barangay health workers na direktang nagsusulong ng mga programang pangkalusugan ng pamahalaan.
“We have been pushing for the proposed measure to promote the welfare and well-being of the BHWs as well as provide them with incentives and benefits through the collaboration of the local government units and the national government,” wika ni Go.
“Barangay health workers serve as the frontliners in the barangays, providing basic health services to the Filipino people,” dugtong ng reelectionist senator.
Sa ilalim ng SB 2838 na akda ni Go, makakatanggap ng buwanang honoraria, transportation allowance, subsistence, hazard pay at insurance coverage ang mga kwalipikadong BHWs – bukod pa sa taunang cash gift.
Magkatuwang na popondohan ng mga first class local government units (probinsya, lungsod, munisipalidad at barangay) ang benepisyong igagawad sa mga BHWs.
Para sa mga LGUs na walang kakayahan sa pananalapi, sasagutin ng national government ang kinakailangang pondo.
