ANG dapat sana’y joyride lang ng mga kabataan, nauwi sa malagim na kamatayan matapos magsakpukan ang dalawang motor na kanilang sinasakyan sa bayan ng Morong sa lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ng lokal na pulisya, tatlo ang patay habang nasa kritikal na kondisyon naman sa pagamutan ang isa pa. Kinilala ang mga nasawi na sina Patrick Abuyan San Miguel, 22-anyos mula sa bayan ng Teresa, at ang 22-anyos niyang backrider na Marquis Evan Macarulay Sales na residente ng Tanay, Rizal.
Binawian rin ng buhay ang 18-anyos na si King Cyrus Capuz mula sa Baras, Rizal, habang sugatan naman si Domingo Rigunay Jr.

Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas 12:00 ng madaling araw nang sabay na binabagtas ng dalawang motorsiklo na patungo sa magkasalungat ng direksyon ang Manila East Road. Pagdating sa bahagi ng Barangay CCL, magkasabay na nag-overtake sina San Miguel na nagmamaneho ng Yamaha Aerox at Rigunay na may hawak ng manibela ng Honda Click.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga backrider ng dalawang motorsiklo. Sa ospital na binawian ng buhay sina San Miguel, Sales at Capuz. Patuloy na inoobserbahan sa pagamutan si Rigunay.
Sa lungsod ng Antipolo, walo ang sugatan sa karambola ng dump truck, e-trike at pampasaherong dyip sa kahabaan ng Sumulong Highway kahapon ng umaga.
Ayon sa lokal na pulisya, nakatulog umano ang driver ng dyip na dahilan para banggain ang dumptruck at e-trike sa pataas na bahagi ng nasabing lugar.
Bagamat mabilis ang pagsaklolo ng mga rescue personnel ng pamahalaang lungsod ng Antipolo, nagdulot ng matinding trapik sa kahabaan ng Sumulong Highway.
