HINDI dapat ipagwalang-bahala ng mga mamamayan ang kaligtasan sa gitna ng nakaambang peligrong dulot ng matinding alinsangan sa pagpasok ng panahon ng tag-init, ayon sa Department of Health (DOH).
Partikular na tinukoy ng DOH ang inilabas na kalatas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) heat index levels na naitala sa iba’t ibang panig ng bansa.
Batay sa abiso ng DOH, posibleng magdulot ng heat cramps at heat exhaustion ang alinsangan sa antas na 42 hanggang 51°C, na anila’y pasok sa kategorya ng “danger level.”
Kabilang sa mga sintomas na dapat bantayan ng mga mamamayan ang pagkapagod, pagkahilo, pananakit ng ulo, at pagsusuka.
“Ang matagal na pagkakalantad sa init ay nagpapataas ng posibilidad ng heat stroke, isang seryosong kondisyon na may pagkawala ng malay, pagkalito, o kaya ay mga seizure o kombulsyon, na maaaring nakamamatay kung hindi ginagamot,” saad sa kalatas ng ahensya.
Payo ng kagawaran sa mga mamamayan – pag-inom ng maraming tubig, limitahan ang mga aktibidad sa labas mula 10 am hanggang 4 pm, paggamit ng panangga sa araw, at pagsusuot ng maluwag na damit.
