SA gitna ng matinding alinsangan sa pagpasok ng panahon ng tag-init, ”sando at unli-ligo” ang tugon ng Bureau of Corrections (BuCor) para maiwasan ang heat stroke sa hanay ng mga “bakasyonista” sa loob ng bilibid.
Sa isang direktiba, iniutos ni BuCor Director General Gregorio Catapang ang agarang pagbili ng mga “sando” na gagamitin ng mga bilanggo.
Bukod sa preskong sando, tiniyak rin ni Catapang na gagawa ng paraan ang kawanihan para sa tuloy-tuloy na supply ng tubig sa loob ng piitan.
Para kat Catapang, hindi dapat isantabi ang kapakanan at kaligtasan ng mga persons deprived of liberty (PDL) lalo pa’t naglabas na ng babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa nakamamatay na alinsangan bunsod ng mataas na heat index.
Inatasan na rin ni Catapang ang mga nangangasiwa sa iba’t ibang piitan sa ilalim ng pangangasiwa ng BuCor na tiyakin ang 24 oras na pagbabantay at agarang tugon.
