ISANG pulis at kawaning nagpakilalang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang tumulong para makatakas ang isang wanted na Korean national — kapalit ng P14 milyon.
Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate subcommittee on justice and human rights, mismong ang puganteng si Na Ik-hyeon ang naglaglag sa pangalan ng mga taong umano’y nagbigay-daan para makatakas noong Marso 4 matapos dumalo sa pagdinig sa Quezon City.
“What are the names of Bureau Immigration (BI) people who helped you escape?” tanong ni Senador Hontiveros, na nanguna sa pagdinig.
Sa tulong ng isang in-house translator, nakapagbigay ang suspek ng dalawang pangalan — Raul at Paul, bagay na inayunan naman ng Korean national na nagbigay ng P8 milyon bilang paunang bayad noong Hunyo 2023.
Pag-amin ng Koreano, ibinigay niya ang kakulangan pagkatapos makatakas.
Kalaunan, inamin ng pugante na miyembro ng Philippine National Police (PNP) sina Raul habang si Paul naman aniya ay konektado sa BI.
Gayunpaman, todo-tanggi si Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na may kakilala siyang Raul o Paul na maaaring sangkot sa pagtakas ni Na.
Aniya nakakuha sila ng litrato ng sinasabing opisyal ng BI na tumulong sa pagtakas ngunit hindi nila ito makikilala.
“Aside from the investigation internally, we also filed a case before the City Prosecutor of Quezon City. We also filed one before the Ombudsman, and our investigation is not confined to these three. There are other things being investigated inside the Bureau,” ayon kay Viado.
Inaresto si Na noong Mayo 31, 2023 at ikinulong sa pasilidad ng ahensya hinihintay ang paglabas ng deportation order. Ipinagpaliban ang deportasyon ni Na dahil nakabinbin ang kasong estafa na isinampa ng isang Filipino complainant sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ayon sa BI dumalo sa hearing ang Koreano noong Marso 4 saka ito tumakas. (ESTONG REYES)
