Walang puwang sa isang sagradong halalan ang kabastusan at kahalayan, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng Comelec si Atty. Christian “Ian” Sia na kandidato sa posisyon ng kongresista sa Pasig City, kaugnay ng alok na pagsiping sa mga dalagang ina sa naturang lungsod.
Biro man o seryoso, hindi anila angkop para sa isang kandidato — lalo pa’t isang abogado ang magpamalas ng kahalayan sa hanay ng mga kababaihan.
Una nang nagviral ang isang bahagi ng talumpati ni Sia sa isang campaign sortie kung saan sinabi niyang pwede sumiping sa kanya ang mga solo parent na babae, basta taga-Pasig.
“Ito ang ambag ko sa mga solo parent ng Pasig. Minsan sa isang taon, ang mga solo parent na babae na nireregla pa. ‘Nay malinaw nireregla pa at nalulungkot. Minsan sa isang taon, puwedeng sumiping ho sa akin,” ani Sia.
Sa direktiba ng Comelec, meron lang tatlong araw ang Pasig congressional bet para magpaliwanag kung bakit hindi dapat siyang sampahan ng reklamo para sa election offense at/o petisyon para sa disqualification.
