NI LILY REYES
Sa kabila ng umiiral na election ban sa sibakan at lipatan sa pwesto ng mga taong gobyerno — kabilang ang mga pulis at sundalo, laglag sa pwesto si Eastern Police District (EPD) Director Salvador Tuliao.
Sa direktibang inilabas ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Anthony Aberin, tinanggal si Tuliao sa pwesto bilang EPD chief kaugnay ng bulilyasong operasyon ng walong tauhan District Special Operations Unit (DSOU).
Gayunpaman, nilinaw ni Aberin na walang direktang kinalaman si Tuliao sa umano’y irregularidad sa likod ng pagsisilbi ng warrant of arrest sa isang hindi pinangalanang Chinese national na nakunan umano ng hindi bababa sa P85-milyong halaga ng pera at alahas.
Anang NCRPO chief, sumabit si Tuliao sa aspeto ng tinatawag na command responsibility.
Bago pa man sinibak si Tuliao, una nang naglabas ng relief order ang NCRPO sa lahat ng operatibang miyembro ng DSOU.
