NASA tamang landas ang Department of Transportation (DOT) sa planong pahintulutan ang unconsolidated jeepneys na bumiyahe sa kalsada bilang bahagi ng proseso ng pagsasaayos sa magulong Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng pamahalaan.
Para kay Senador Grace Poe, malaking bentahe sa isinusulong na PUV Modernization Program ang desisyon ni Transportation Secretary Vince Dizon — ang pabalikin sa kalsada ang mga pampasaherong jeep habang isinasaayos ang mga gusot sa programa.
“Isang hakbang tungo sa tamang direksyon ang pahayag ng DOTr chief na papayagan sa ating mga kalsada ang unconsolidated jeepneys,” ayon kay Poe.
Sinabi ni Poe na kailangang magsimula sa pagkilala ng karapatan ng tsuper ang pagsasaayos ng magulong programa ng modernisasyon para magkaroon ng disenteng kabuhayan at maging bahagi ng makabuluhang oportunidad sa kaunlaran.
“Umaasa tayong hindi pahihirapan ng DOTr at ng mga kaugnay na ahensya nito ang ating jeepney drivers at operators na muling makakuha ng kanilang prangkisa,” ayon kay Poe.
Idinagdag pa ni Poe na dapat nakahanda na rin ang planong ruta upang matiyak na may sapat na transportasyon sa lahat ng lugar na masasakyan ng komyuter sa lahat ng daanan.
“Gusto nating lahat ng sistema ng transportasyon na may dangal, ligtas, at naaayon sa pamantayang internasyonal,” giit ni Poe.
“Nararapat na igiya ng mga may hawak ng manibela ang programa ng modernisasyon sa tamang direksyon,” ayon pa sa senadora mahigpit na tagapagsulong ng kagalingan at karapatan ng drayber, operator at mananakay. (ESTONG REYES)
