SA halip na kwarta, malamig na rehas ng selda ang ending ng 10 tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos mabisto ang umano’y robbery extortion at kidnapping sa likod ng isang police operation sa Tondo, Maynila kamakailan.
Sa utas ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP), isinailalim sa PNP Custodial Facility ang 10 pulis – kabilang ang isang koronel – na sumalakay sa isang bodega noong Pebrero 17.
Sa ulat ng CIDG, pinasok ang naturang bodega dahil sa umano’y pag-iingat ng mga armas. Sa naturang raid, dinala ang mga naaresto sa CIDG-Southern District Field Unit office sa Taguig kung saan umano pilit pinasuka ng P18 milyon para makalaya.
Matapos makapagbigay ng pera, dinala umano ang mga naaresto sa ibang lugar kung saan may mga nakalatag na baril na pinapaturo sa kanila.
Muli umanong nanghihingi ng pera ang mga pulis pero hindi na nagbigay pa ang mga dinakip na indibidwal.
Nahaharap ang mga naturang pulis sa patong-patong na kaso kabilang ang grave misconduct, kidnapping, illegal detention, unlawful arrest, at planting of evidence. (EDWIN MORENO)
