HABANG kayod-kabayo ang gobyerno para palakasin ang sektor ng agrikultura, patuloy naman ang walang habas na pagbabakod at pagpapatag ng mga lupang sakahan sa isang bahagi ng bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal.
Sa isang panayam, kinondena ng mga magsasaka sa pangunguna nina Leticia Agnas at Serafin Saavedra ang umano’y pangangamkam ng nagpakilalang “may-ari” ng lupa — Peace Be With You (PBWY) na isa umanong land developer.
Para sa mga lokal na magsasaka, hindi katanggap-tanggap na basta na lamang umano aagawin sa kanila ang lupang tanging pinagkukunan ng kita para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Wala rin umanong pahintulot sa lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng bakod at pagpatag sa kanilang sakahan.
Partikular na tinukoy ni Agnas ang lupang sa Sitio Siwang, Barangay San Juan sa nabanggit na bayan. Aniya, ang kanilang taniman ay bahagi ng 18.5 elevation na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Nang tanungin kung paano ang usapan sa pagitan ng LLDA at ng mga magsasaka, ipinaliwanag ni Agnas na kanilang tinataniman ang naturang bahagi ng lawa sa tuwing tag-araw kung kailan lumilitaw ang lupa dahil sa pagbabaw ng Laguna De Bay.
Palay ang pangunahing ani ng mga magbubukid sa naturang bahagi ng Taytay. Katunayan, sa kanila umano umaangkat ng bigas ang lokal na pamahalaan noong panahon ng pandemya.
“Kinikilala kami ng lokal na pamahalaan. Sa amin sila bumibili ng bigas na ipinamahagi ng mga residente ng Taytay noong may pandemic pa. Kinikilala rin kami ng pamahalaang nasyunal… katunayan, pinagkalooban pa nga kami ng sarili namin kiskisan ng palay na katuwang namin sa hanapbuhay,” wika ni Saavedra.
“Ngayong binakuran at pinatag na nila ang aming sakahan, malamang dekorasyon na lang ang kiskisan ng palay na handog sa amin ng pamahalaan.” (EDWIN MORENO)
