PATAY sa mga tauhan ng 63rd Infantry Battalion ng Philippine Army ang isang hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa 15 minutong bakbakan sa Eastern Samar.
Nangyari ang engkwentro sa bahagi ng Sitio Bagong Barrio, Barangay Pinag-an, Borongan City sa lalawigan ng Eastern Samar.
Kinilala ng militar ang nasawi sa bakbakan na si Jomar Discar (alyas Henry, Bobby at Guimo) mula sa Barangay San Mateo ng nabanggit na lungsod.
Sa datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP), lumalabas na miyembro ng NPA-sub-regional committee SESAME ng Eastern Visayas Regional Party Committee ang nasawing suspek.
Pagkatapos ng engkwentro, tuluyang nakubkob ang kuta ng mga rebelde. Narekober din sa lugar ng pinangyarihan ang isang M653 rifle, limang magazine, tatlong backpacks at isang bandoleer.
Ayon kay 63IB Commander Lt. Col. Eduardo Meclat, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa komunidad na may presensya umano ng armadong grupong nanghihingi ng pagkain.
Ultimatum naman ni 802ndIB Commander Brig. Gen. Noel Vestuir (may sakop sa lugar) sa mga NPA na miyembro ng Sub-Regional Committee SESAME na magbalik loob at yakapin ang alok na payapang pamumuhay. (EDWIN MORENO)
