SA unang araw ng pagsisid sa Taal Lake para sa labi ng mga tinaguriang missing sabungero, agad na nakarekober ang mga maninisid ng isang sakong naglalaman ng kalansay ng tao.
Ayon kay Batangas Police Provincial Director Col. Geovanny Emerick Sibalo, narekober ang naturang sako sa isang bahagi ng lawa — 10 metro ang layo mula sa baybayin.
Gayunpaman, nilinaw ng pulisya na wala pang katiyakan kung kabilang ang naturang kalansay sa mga dinukot na sabungero.
Aniya, kailangan pa muna isailalim sa forensic examination ng regional Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang kalansay na isinilid sa sako.
Isinagawa ang search and retrieval operation base sa pagsisiwalat ni Julie “Dondon”Patidongan, o mas kilala na alyas “Totoy” na nagsabing nasa 100 sabungero ang dinukot, pinaslang, at tinapon sa nasabing lawa. (EDWIN MORENO)
