PIHADONG mababawasan ang sakit ng ulo ng lokal na pamahalaan matapos ikalaboso ng mga operatiba ng lokal na pulisya ang tatlong pinaniniwalaang tulak ng droga sa Montalban at sa mga karatig bayan.
Sa ulat ni Lt. Gerry Cordero na tumatayong hepe ng drug enforcement team ng Montalban Police Station, nasa 1.7-milyong halaga ng droga ang nakumpiska sa mga suspek na kinilala sa pangalang Joselito Custodio, Charlie Guillermo at Mary Joy Maico na pawang residente ng Sitio Daang Tubo, sa nabanggit na munisipalidad.
Ayon kay Sarhento Paul Joseph Cruz, nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang nasa 172 gramong shabu na katumbas ng halos P1.7 milyon. Narekober din ang marked money na ginamit sa transaksyon, digital weighing scale at isang kalibre 22 na kargado ng bala.
Sa imbestigasyon, dakong alas 10:00 ng gabi nang isagawa ng mga pulis ang buy-bust operation sa Daang Tubo Dos.
Hawak na ng Rizal Provincial Forensic Unit ang mga suspek para isailalim sa drug test habang ang mga isasalang naman sa forensic examination ang mga nasamsam na droga.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Republic Act 9165 na mas kilala sa tawag na Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002. (EDWIN MORENO)
