SA gitna ng patuloy na pananalasa ng mabigat na buhos ng ulan dulot ng bagyo at habagat, higit na angkop ang agarang tugon para sa libo-libong apektadong pamilya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa isang kalatas, ibinahagi ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez — katuwang ang Tingog partylist group — ang agarang pagkilos ng kanilang disaster monitoring at relief operations team’s para agad na makapagbigay ng kaukulang tulong sa mga nasalanta ng bagyong Crising, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Garantiya ni Romualdez, bibigyang-prayoridad sa ngayon ang pag-agapay sa mga biktima ng nasabing kalamidad.
Katunayan aniya, nakikipag-ugnayan na ang kanyang tanggapan, gayundin ang Tingog partylist group, sa iba’t-ibang national agencies, local officials kabilang ang bawat kongresistang nakakasakop sa lugar na hinagupit ni Crising at maging sa mga pribadong institusyon para sa mas mabilis na relief efforts at iba pang pagpapaabot ng tulong.
“Hindi tayo maaaring manahimik habang lumulubog ang mga komunidad at nangangamba ang ating mga kababayan. Public service doesn’t stop when Congress is out of session. Ngayon mismo, dapat tayong kumilos,” diin ni Romualdez.
“I’ve been through this myself—my home province of Leyte has seen the worst of disasters. Kaya ramdam ko ang bigat na dinaranas ng mga pamilya ngayon. Sa oras ng sakuna, hindi dapat nag-iisa ang sinoman,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, nananawagan si Romualdez sa mga Pilipino, partikular sa mga maayos na katayuan at kalagayan, na magmalasakit lalo na ang tumulong, sa abot ng kanilang makakaya, sa mga nasalanta ng bagyo.
“Kahit hindi ka kongresista, kahit hindi ka opisyal—lahat tayo may papel sa pagtulong, kasama ang pagdarasal para sa kaligtasan ng mga nasalanta,” dugtong ng House Speaker sa ilalim ng 19th Congress.
Samantala, muling binuksan ang relief coordination desk na nagsilbing “lifeline” ng mga mambabatas sa tuwing may kalamidad at maging noong panahon ng COVID-19 pandemic. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
