KALABOSO sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang walong Chinese nationals matapos mabisto ang patuloy na operasyon ng illegal POGO sa Davao City.
Ayon sa NBI, nakatanggap ng impormasyon ang kawanihan sa umano’y illegal POGO operation sa isang residential property na nasa loob ng Montclair Highlands Subdivision, sa Barangay Buhangin, Davao City.
Matapos makupirma, agad na sinalakay ang bahay kung saan huli sa akto ang walong dayuhan habang nagsasagawa ng “maneobra” gamit ang mga sopistikadong computer, cell phone at iba pang gadgets.
Kasalukuyan nakapiit sa NBI custodial facility ang mga hindi pinangalanang Chinese nationals na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Illegal Gambling Act, Anti-Money Laundering Act, at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act.
