HINDI na kailaqnman pahihintulutan ng pamahalaan maulit ang panggagamit sa mga bata ng mga pumupusturang sugo ng Panginoon, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), matapos ipatigil ang operasyon ng isang kanlungan ng mga kabataan sa lalawigan ng Pampanga.
Bitbit ang cease and desist order, partikular na sinalakay ng DSWD ang New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga Inc. kaugnay ng mga ulat ng mga pang-aabuso at iba pang sumbong.
Kabilang sa mga batayan ng pagpapasara sa naturang sekta ang serye ng paglabag gaya ng umano’y physical, verbal, at psychological abuse sa mga nasa kanlungan.
Pasok din sa nadiskubre ang abang kalagayan ng mga kabataan, peligro bunsod ng fire hazards at maruming pasilidad, gayundin ang anila’y maling pamamahala ng pondo, at kawalan ng kaukulang license to operate.
Kasabay ng paghahain ng cease and desist order, dinakip rin si Pastor Jeremy Ferguson ng New Life Baptist Church, habang inilipat naman sa pangangalaga ng Reception and Study Center for Children sa Lubao, Pampanga ang nasa 156 na bata.
