KUNG pagbabatayan ang napapadalas na pag-ikot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lugar na lumubog sa baha, posibleng numinipis na ang tiwala ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasa likod ng mga palpak na imprastraktura sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mula sa Iloilo kung saan naispatan ni Marcos ang palpak na flyover, isa na namang proyekto ng DPWH ang nabistong iniwang nakatiwangwang — ang flood control project sa BArangay Bulusan, sa bayan ng Calumpit, Bulacan.
Sa kanyang pag-inspeksyon sa lugar, personal na nakita ng Pangulo ang mahinang pagkakagawa ng dike, substandard ang mga materyales at may 200 metrong hindi tinapos ng contractor na St. Timothy Construction Corporation.
Kabilang ang St. Timothy Construction sa top 3 ng contractors na nakasungkit ng pinaka maraming flood control projects sa buong bansa.
Nang resbisahin ang report na isinumite sa Palasyo, lumalabas na natapos ng contractor ang proyekto — “Pero iba ang personal kong nakita,” dismayadong bulalas ni Marcos.
“Kailangan pasagutin natin kung bakit ganito ‘yung ginawa nila. Dapat pumunta sila dito para makita kung gaano kahirap ang ginawa nila sa mga kababayan natin,” anang Pangulo.
Natuklasan din ng Presidente na kahit kailan ay hindi naghukay sa dike ang contractor kaya mababaw na ang ilog at mabilis umapaw ang tubig patungo sa mga residente.
Binigyang-diin ng Pangulo na nasa kontrata na dapat magkaroon ng dredging at desiltation sa flood control project subalit kahit minsan ay hindi ginawa ng contractor.
“Nandoon sa report na may desiltation, nakita niyo ba? E ang babaw na, ‘yung lupa natubuan na ng halaman pero sa record, nakalagay doon na desilted,” dagdag ng Pangulo.
