NI ITOH SON
NAISIN man niyang mag-alsa balutan, hindi magawa ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Judge Jaime Santiago hanggat wala pang itinatalagang kapalit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Paglilinaw Santiago na una nang nagsumite ng “irrevocable resignation” sa Palasyo, mananatili pa rin siya sa pwesto bilang respeto sa Pangulong humirang sa kanya bilang NBI chief noong Hunyo ng nakalipas na taon.
“Hanggat walang words, walang napili, walang ano, I will stay to perform my duty. Yun ay bilang respeto,” wika ni Santiago sa pagdalo sa regular flagraising ng ahensya.
Araw ng Biyernes ng nakalipas na linggo nang isumite ni Santiago ang kanyang “irrevocable resignation” bunsod ng aniya’y “demolition job” na ikinakasa ng mga nag-aambisyong sungkutin ang kanyang posisyon bilang NBI director.
“Hindi ako umalis dahil sa ayaw ko na sa administration. I salute the president, I salute SOJ, I salute… wala po sa atin, sa akin, wala silang inutos na iligal na gawin natin. Free hand ako,” pagtatapos ni Santiago.
