PARA tiyakin walang magaganap na salamangka sa pondong inilaan para sa sektor ng agrikultura, personal na tututukan ni Senador Francis Pangilinan ang implementasyon ng P33-bilyong farm-to-market roads.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Pangilinan ang pangako ni Agriculture Secretary Francis Tiu-Laurel na hihilahin pababa ang umiiral na singil ng mga kontratista — P18 milyon kada kilometro.
Ayon kay Pangilinan na tumatayong chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, nangako umano si Laurel na ibababa sa halagang P14.5 milyon kada kilometro ang gagastusin ng pamahalaan para sa paggawa ng mga kalsadang magdurugtong sa mga liblib na sakahan patungo sa kabayanan.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform, na nangako si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na kanyang itatayo ang sariling reputasyon at ganun din kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na matutupad ang pagbagsak ng presyo ng FMR.
“Kaya kailangan mas maraming kalye ang magagawa ng P33-billion FMR allocation sa 2026 national budget. Kailangang maramdaman ng mga magsasaka at mga mamimili ang mas mataas na budget para sa agrikultura. Kailangan tumaas ang kita ng mga magsasaka at maging abot-kaya ang mga bilihin sa palengke at talipapa,” giit ni Pangilinan.
Aniya, pagkatapos ng flood-control scandal noong nakaraang taon, ubos na ang pasensya ng taumbayan para sa katiwalian.
“Bilang vice chair ng Senate Committee on Finance Subcommittee J, na bumusisi ng mga budget ng Department of Agriculture, NIA, at ilang bahagi ng justice sector, nakataya rin ang pangalan ko sa maayos na pagpapatupad ng mga infrastructure project ng gobyerno,” wika ng senador.
“Kaya naman, para wala nang bilyong pisong insertions at overpriced contracts na pinagbabayaran ng buwis ng taumbayan, naglagay tayo ng mga safeguard sa 2026 national budget: validation against the DA master plan, geo-tagged projects, and public monitoring tools,” aniya pa.
Panawagan ni Pangilinan sa iba’t ibang sektor, makilahok at makipag-ugnayan sa pagbuo ng isang public-private audit coordinating task force na magbabantay magsisiguro ng grassroots reporting sa pagpapatupad ng ganitong proyekto.
“Babala ang ganitong people power sa lahat ng kontratista at politikong may masamang balak: Kasama ng taumbayan, magbabantay tayo. At sa sinumang gumawa o magtangkang gumawa ng kalokohan dito, hahabulin ko kayo, ipapatawag ko kayo sa mga Senate hearing, at ibubulatlat ang paldo sa katiwalian. Hindi tayo papayag sa mga kickback, tongpats, o commission,” aniya. (ESTONG REYES)
