PASOK na bilang mga state witness ang tatlong dating opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida.
Partikular na tinukoy ni Vida sina former DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, sina District Engineer Henry Alcantara at Gerard Opulencia. Bukod sa mga dating DPWH officials, nakalusot din bilang state witness ang kontratistang si Sally Santos.
Matapos makalusot sa mahigpit ng ebalwasyon ng kagawaran, inalis na aniya ang mga nabanggit na personalidad sa talaan ng mga respondent sa mga kasong may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
“Sila po ay nakikipag tulungan sa DOJ para mapalakas yung ating mga kaso laban doon sa ating gustong habulin. Ang konsepto kasi ng state witness, hindi lang ito yung nagbalik ng pera. Yung pagbabalik ng pera ay bahagi lamang ng kanilang pakikipagtulungan sa gobyerno,” ani Vida.
Binigyang-babala rin ng Kalihim na hindi maaaring mangulimbat ng pera ng bayan at magbalik lang nito para sabihing absuelto na. “Hindi po ganun. Kailangan managot,” giit niya.
Sa kabuuan, umabot sa P316,381,500 ang naibalik sa gobyerno ng apat na state witness.
Samantala, hindi nakalusot bilang state witness ang mga dating district engineer na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza. (JULIET PACOT)
