KINATIGAN ng House Committee on Tourism, na pinamumunuan ni Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona, ang nasa anim na magkakahiwalay na panukalang batas na pawang nagsusulong para isantabi o pag-aalis sa ipinapataw na travel tax sa Filipino travelers.
Sa isang pagdinig, inatasan ni Madrona ang Secretariat na gumawa ng committee report at agad na isumite sa House Committees on Ways and Means and Appropriations para sa kaukulang aksyon.
Ayon sa Romblon solon, sa kabuuang ay 12 proposed measures ang natalakay na pawang may kaugnayan sa umiiral na travel tax.
Kabilang na rito ang House Bill 7443, na akda ni House Majority Leader Sandro Marcos ng Ilocos Norte at unang nagpahayag ng pagnanais na tanggalin na ang pabigat na bayarin sa buwis na kalakip ng paglalakbay.
Partikular na tinukoy ang sinisingil na P2,700 para sa first-class passengers at P1,620 naman sa economy class.
“When travel becomes more expensive, fewer people move, fewer people spend and fewer opportunities circulate through the economy. Lowering the cost of travel allows Filipino families to allocate their money where it matters most,” diin ni Marcos sa inihaing panukala.
Giit pa ng ranking House official, marami ng ASEAN members ang hindi na naniningil ng travel-related tax, dahilan kaya napag-iiwanan ang Pilipinas sa aspetong ng turismo.
“A tax that discourages travel also discourages growth. If our neighbors are opening doors and reducing barriers, we should not be holding on to policies that place us at a disadvantage,” punto pa ni Marcos.
Sinabi naman ni Madrona na magkakaroon ng kaakibat na alternatibong funding mechanism ang pinal na bersyon ng panukalang pagbasura sa travel tax para masigurong ang mawawalang koleksyon na ginagamit sa iba’t-ibang programa ng gobyerno ay mapupunan.
Sa panig ni House Committee on Appropriations Chair at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing, tiniyak niya sa stakeholders na magkakaroon ng kaukulang funding protections sa ilalim ng panukala bago pa man ganap na pagtibayin.
“Given the criticality of the funds, we will work together to ensure that those funds will remain available. We hear you. We understand the current structure, and we will craft a mechanism responsive to the needs of the different government agencies.” (ROMER R. BUTUYAN)
