Nagsumite ng disqualification case sa Comelec si Atty. Mark Tolentino laban kay Doc Bong Acop bunsod ng umano'y pamumudmod ng pera kapalit ng boto sa nalalapit na Antipolo special congressional election. Nasa larawan din ang isang residenteng kabilang umano sa mga binigyan ng salapi kapalit ng suporta sa naturang kandidato.
BUMABAHA ng pera. Ganito ang paglalarawan ng isang abogado kasabay ng paghahain ng disqualification case laban sa isang congressional candidate para sa nalalapit na special election sa lungsod ng Antipolo.
Sa impormasyong ibinahagi ng Commission on Elections (Comelec), partikular na inireklamo ni Atty. Mark Tolentino si Dr. Philip Conrad “Doc Bong” Acop, anak ng pumanaw ng Antipolo 2nd district Rep. Romeo Acop.
Batay sa reklamo ni Tolentino, nilabag umano ni Acop ang Omnibus Election Code na nagbabawal sa pamumudmod ng pera para mangalap ng suporta sa halalan.
Para kay Tolentino, malinaw aniyang “vote-buying” ang ginawa ng batang Acop.
Bilang patunay, isinumite ng naturang abogado sa Comelec ang mga dokumento, larawan at digital footprint ng social media post kung saan namamahagi umano ng pera si Acop sa mga botante.
Sa sinumpaang salaysay, sinabi ng complainant na personal umano niyang nakita ang pamumudmod ng pera sa mga residente sa loob ng isang bahay Barangay San Roque sa panahon ng pangangampanya.
Sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibigay o pagtanggap ng pera o anumang bagay na may halaga kapalit ng boto o suporta sa isang kandidato.
Hirit ni Tolentino sa Comelec, idiskwalipika si Acop. (JULIET PACOT)
