BINALAAN ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVolcs) ang mga residente sa paligid ng Mayon sa umano’y posibilidad ng paggulong ng malalaking tipak ng bato bunsod ng sunod-sunod na pagyanig ng lupa.
Sa datos ng PhiVolcs, pumalo sa 279 volcanic earthquakes ang naitala ng ahensya sa Mayon mula alas-12:00 ng umaga nitong Sabado hanggang alas-12:00 ng kaninang umaga.
Sa mga naturang oras, nakapagtala rin ang PhiVolcs ng 324 rockfall at tatlong pyroclastic density current signals o uson mula sa bulkan.
Batay sa obserbasyon ng ahensya, nasa 2,430 tonelada ng sulfur dioxide flux ang ibinuga ng bulkan nitong Sabado, gayundin ang pagdaloy ng lava sa Basud, Bonga, at Mi-isi na may panaka-nakang strombolian activity.
Samantala, nasa ilalim pa rin ng Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong permanent danger zone at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
