PARA sa mag-asawang kongresista sa Kamara, higit na angkop i-hanay sa mga serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan ang pangangalaga ng ngipin ng bawat Pilipino.
Partikular na isinusulong nina dating House Speaker Martin Romualdez at Tingog partylist Rep. Yedda Marie K. Romualdez ang House Bill 4691 (Oral Healthcare Act) na naglalayong gawing bahagi ng primary healthcare system ang dental care.
Sa ilalim ng HB 4691 na itinataguyod din nina Rep. Andrew Julian K. Romualdez at ranking House official Rep. Jude Acidre, target ihanay ang dental care program sa mga regular na programang pangkalusugan ng pamahalaan.
“Hindi dapat ituring na hiwalay ang kalusugan ng ngipin—ito ay bahagi ng kabuuang kalusugan ng bawat Pilipino. Sa panukalang ito, siguraduhin natin ang serbisyong dental ay abot-kaya, accessible, at hindi pribilehiyo kundi karapatan, lalo na para sa mga bata, buntis, at senior citizens,” wika ng Leyte legislator.
“Kapag pinabayaan ang oral health, lumalaki ang gastos at problema ng pamilya. Layunin ng panukala gawing bahagi ng pangunahing serbisyong pangkalusugan ang dental care upang mapagaan ang gastusin at mapabuti ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino,” dugtong ng dating lider ng Kamara.
Para naman kay Acidre, “ang simpleng problema sa ngipin kapag napabayaan, nagiging malaking pasanin sa pamilya.”
“Sa panukalang ito, tinitiyak nating mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng access sa maayos na serbisyong dental,” ani Acidre.
Sa ilalim ng panukalang Oral Healthcare Act, itinuturing din ang oral diseases’ bilang major public health problems at ang oral health ay kabilang general health at mahalaga para sa kalusugan ng bawat isa.
Isinusulong din ng nasabing panukala ang pamumuhunan ng pamahalaan sa integrated at comprehensive health development program sa preventive care patungkol sa oral health.
“The government must adopt responsive and efficient policies in oral disease prevention and promotion by scaling up essential programs and increasing investments to make oral health treatment and care more equitable and affordable for all, especially for the underprivileged, poor, and marginalized Filipinos.”
Ani Acidre, dapat magkaroon ng isang National Oral Health Program para sa mapabuti ang oral health care, mapalawak ang saklaw ng basic dental services, at mapababa ang kaso ng dental caries at periodontal diseases.
Target din ng panukala isama ang dental healthcare sa umiiral na public health initiatives na itinataguyod ng Universal Health Care (UHC) Act, at Republic Act 11148 (Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act) at iba pang programa patungkol sa nutrition, maternal at child health.
Inaatasan din ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin ang benefit packages ng ahensya ang oral health services.
Target din ng panukalang batas italaga bilang National Oral Health Month ang buwan ng Pebrero para sa mas malawak na kampanya para sa dental care.
Inaasahan din ang pagtugon ng mga local government units (LGUs) sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling oral health programs at pagtataguyod ng oral health units sa mga rural health facilities, at ang pagtatalaga ng dentista at dental aide sa mga klinika.
