MAKALIPAS ng higit sa isang taon, bahagyang nakasilay ng pag-asa ang pamilya ng dating overseas Filipino worker na nananatiling nakapiit matapos payagan ng pamahalaan ng Indonesia ang pagbabalik sa Pilipinas.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, posibleng irekomenda ng kagawaran kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggawad ng executive clemency kay Mary Jane Veloso na nakulong sa Indonesia matapos hatulan ng kamatayan sa salang drug smuggling noong 2010.
Ayon kay Vida, masusing pinag-aaralan ng ahensya ang lahat ng remedyong legal bago pa man magsumite ng rekomendasyon sa Pangulo.
“Everything is possible… kaya lahat pinag-aaralan, masusi naming pinag-aaralan,” wika ng Kalihim sa isang panayam.
Inaasahan naman aniyang matatapos ang pag-aaral sa susunod na linggo. Natakda rin umanong makipagpulong ang DOJ sa pamilya Veloso upang ipaliwanag ang mga posibleng hakbang at inaasahang resulta.
“Tulad ng napag-usapan natin, nasa listahan ko yan ng priority,” ani Vida.
Kasalukuyang nakakulong si Veloso sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City matapos ilipat mula Indonesia noong Disyembre 2024.
