SA gitna ng kinakaharap na krisis, personal na pinangunahan ni Senador Mark Villar ang pamamahagi ng grocery packs at sako-sakong bigas sa mga jeepney drivers, operators at delivery riders sa ilalim ng programang MARKalinga Welfare Assistance Program for Drivers na ginanap kamakailan sa bayan ng Pila sa lalawigan ng Laguna.
Sa isang kalatas, binigyang-diin ni Villar ang kahalagahan ng suporta sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon na nagkukumahog kumita sa kabila pa ng mataas na presyo ng petrolyo at iba pang suliraning pang-ekonomiya na bunga ng krisis sa enerhiya.
“Patuloy nating susuportahan ang ating mga tsuper at riders na araw-araw na nagsusumikap para sa kanilang pamilya. Kaagapay ninyo kami sa gitna ng krisis, at lalo pa nating paigtingin ang tulong upang makatulong sa inyong pang-araw-araw na pangangailangan,” ani Villar.
Bago pa man isinagawa ang pamamahagi ng tulong, tumayong panauhing pandangal ang senador sa pagbubukas ng ika-10 PAILAH Festival kung saan ibinida ang mayamang kultura, pamana, at lokal na produkto ng bayan ng Pila. Pormal ding pinangunahan ng senador ang ribbon-cutting ceremony para sa trade fair, kasama ang mga lokal na opisyal at iba pang stakeholder ng komunidad.
Matapos ang mga aktibidad, personal na nakipag-ugnayan si Villar sa mga miyembro ng sektor ng transportasyon at turismo, kung saan pinakinggan niya ang kanilang mga hinaing at hamong kinakaharap nila dahil sa tumataas na gastusin sa operasyon.
Kamakailan lang nang ihain ni Villar ang panukalang RELIEF Act na naglalayong magbigay ng direktang suporta sa mga low-income earners at iba pang sektor na apektado ng krisis.
“Kami naman ang lalapit at maghahatid ng tulong sa inyo. Kayo ay mahalagang bahagi ng ating ekonomiya, kaya patuloy kaming aalalay sa inyo,” pagtatapos ng senador.
