Bilang principal sponsor at author ng AFASA, ikinatuwa ni Senador Mark Villar ang tagumpay ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) matapos maitala ang mga pag-aresto at hatol laban sa mga online scammers at money mules. Binigyang-diin niya na may "pangil" na ang batas upang mas mabilis na mausig ang mga cybercriminal at masiguro ang proteksyon ng bawat Pilipino sa kanilang online transactions. (CESAR MORALES)
BILANG na ang araw ng mga online dorobo, ayon kay Senador Mark Villar kaugnay ng matagumpay na implementasyon ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA).
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Villar ang mga naitalang pag-aresto at ipinataw na parusang kalakip ng sentensya sa mga napatunayang sangkot sa online financial crimes.
Para kay Villar, higit na angkop bigyan ng karampatang proteksyon ang mga Pilipinong target ng mga manloloko, gamit ang makabagong teknolohiya sa likod ng internet.
“Bilang Principal Sponsor and Author ng AFASA Law, ikinagagalak ko na nakikita na natin ang konkretong resulta—mas maraming naaresto, mas maraming matibay ang case-build up ng prosekyuson, at nagkakaroon ng aktwal na mga hatol,” ani Villar.
“Mas napapabilis ang pagresponde sa mga reklamo, at mas napapalakas ang ebidensya laban sa mga kriminal. Ito ang uri ng proteksyon na kailangan ng ating mga kababayan sa digital age,” dagdag pa ng mambabatas.
Ipinapakita rin aniya ng mga operasyon kontra online scammers kung paano aktibong ipinatutupad ang AFASA sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), mahigit 90 indibidwal na ang nadakip mula Enero ngayong taon bunsod ng money muling, kabilang ang ilegal na pagbebenta ng ATM cards, e-wallets, at iba pang financial accounts na ginagamit sa panlilinlang.
Buwan ng Pebrero nang ikalaboso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit sa 20 banyagang sangkot sa social engineering schemes, kung saan nagpapanggap ang mga suspek bilang ibang tao upang makapanloko — isang paglabag alinsunod sa Section 4(b)(1) ng AFASA.
Naitala din noong Abril 2026 ang unang matagumpay na conviction, matapos mahatulan ng isang Regional Trial Court ang apat na indibidwal dahil sa paglabag sa AFASA.
“Malinaw na epektibo ang AFASA sa kontra online scams. May pangil na ang batas—hindi na basta nakakalusot ang mga manloloko dahil mas mabilis at mas matibay na ang aksyon ng ating mga awtoridad,” diin ni Villar.
Muling iginiit ng senador ang kanyang adbokasiya na patuloy na maghain ng batas na naglalayong protektahan ang mga Pilipino sa financial fraud habang isusulong ang mas malawak na kaalaman ng publiko sa paggamit ng digital platforms.
“Hindi natin titigilan ang pagpapatibay ng ating mga batas at pagpapaigting ng kampanya laban sa cybercrime. Kasabay nito, hinihikayat natin ang publiko na maging mapanuri, maingat at maging alisto sa kanilang mga online na transaksyon,” pagtatapos ni Villar.
