ARESTADO ang 48-anyos na dayuhang IT contractor matapos magtangka ipuslit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nasa P6,000 halaga ng marijuana kush Martes ng umaga.
Sa impormasyong ibinahagi ng pamunuan ng paliparan, inaresto ang American national makaraang isailalim ng mga tauhan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) sa metikulosong inspeksyon sa Central Security Screening Checkpoint ng International Departure Area ng Terminal 3.
Kinilala ang suspek sa pangalang Jermaine 48-anyos at isang IT contractor sa Estados Unidos.
Paalis na sana ang suspek papunta sa Singapore nang madiskubre ng mga awtoridad ang hinihinalang ilegal na droga at paraphernalia sa loob ng bitbit na bagahe.
Narekober sa suspek ang itim na backpack ang apat na gramo ng hinihinalang marijuana kush na may tinatayang street value na P 6,000.
Kinumpiska din sa dayuhan ang American passport, isang boarding pass, at isang Samsung cellular phone.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
