HINDI lang ang mga maralitang pamilya sa Metro Manila ang nagdurusa bunsod ng krisis na dulot ng hidwaan sa Middle East, ayon kay Senador Mark Villar kasabay ng paghahatid ng tulong sa mga tsuper at mangingisda sa lalawigan ng Pampanga.
Sa ilalim ng programang MARKalinga, namahagi ng sako-sakong bigas at grocery packs ang senador sa mga jeepney drivers at mangingisda sa bayan ng Apalit bilang bahagi ng suporta sa sektor ng transportasyon at pangingisda.
“Sa pamamagitan nito, kinikilala natin ang dedikasyon ng ating mga jeepney drivers at mangingisda na araw-araw na naglilingkod sa publiko sa kabila ng mga hamon na kanilang kinakaharap. Sa kabila ng mga pagsubok sa kanilang kabuhayan, patuloy silang nagsusumikap para sa kanilang pamilya, kaya nararapat lamang na ipagpatuloy natin ang suporta sa kanila,” wika ni Villar.
Sa nagdaang pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, binigyang-diin ng mambabatas ang lumalalang sitwasyon sa sektor ng pangingisda, kung saan iniulat ng mga kinatawan ang malaking pagkalugi dulot ng tumataas na presyo ng gasolina at gastusin sa operasyon. Dahil dito, bumababa ang bilang ng mga bangkang pumapalaot, naapektuhan ang suplay ng isda, — na lubhang nakaapekto sa food security.
“Umaasa tayo sa tuloy-tuloy at napapanahong tulong para sa sektor ng agrikultura at pangingisda upang masiguro ang katatagan ng suplay ng pagkain at patas na presyo sa merkado,” dagdag pa ng senador.
Garantiya ni Villar, isusulong ang mga panukalang batas na naglalayong otaas ang antas ng suporta para sa mga manggagawa sa transportasyon at agrikultura.
Kabilang sa mga tinukoy ng mambabatas ang pinalawak na access sa tulong ng pamahalaan at mga programang tugon sa epekto ng pabago-bagong presyo ng langis.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na interbensyon ng pamahalaan upang mapanatili ang katatagan ng suplay ng pagkain at patas na kondisyon sa merkado.
“Kayo ay mahalagang bahagi ng ating ekonomiya at seguridad sa pagkain. Sisiguraduhin nating nararamdaman ninyo ang suporta ng pamahalaan — hindi lamang sa oras ng krisis, kundi sa patuloy na pagbangon at pag-unlad,” pagtatapos ng senador.
