WALA pang inaasahang paggalaw sa presyo ng bigas sa merkado sa susunod na buwan, ayon kay Secretary Francis Tiu Laurel ng Department of Agriculture (DA).
Gayunpaman, malaki umano ang posibilidad sa pagtaas ng presyo pagsapit ng buwan ng Setyembre.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, tinanong ni Senador Bam Aquino ang DA kung anong produktong agrikultura ang maaaring tumaas ang presyo sa mga susunod na buwan bunsod na rin ng epekto ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Tugon ng Kalihim, posibleng tumaas ang presyo ng bigas sa P60 hanggang P62 kada kilo sa susunod na anihan sa Setyembre. Ang dahilan — pagtaas sa presyo ng fertilizer na nagkakahalaga ngayon ng P3,000 mula sa dating P1,650.
“In my opinion, rice, dahil ang fertilizer from 1,650 aabot ng 3,000, so ang rice tataas next harvest season which is September,” ani Laurel.
“If we do traditional practices na pareho pa rin na urea gagamitin, hindi tayo gagamit ng alternative, o yung farmers natin will not adopt the alternative fertilizers na sinasuggest ng DA… it can be, the computation as of yesterday is P62 per kilo,” aniya pa.
Paglilinaw ni Laurel, pinag-aaralan na ng kagawaran ang mga paraan para mapanatili ang mababang presyo ng bigas. Isa umano sa nakikitang solusyon ang tinatawag na “rice blend” at “corn blend”.
Sa ilalim ng rice blend, paghaluin ang imported at local rice sa antas na 70-30 para matiyak na hindi mapag iwanan ang mga lokal na magsasaka.
Sa corn blend, hati-hati ang paghahalo — 50 porsyento bigas at 50 porsyento mais.
“Napag-usapan kahapon pinapagawa na namin to try is a 70-30 blend. So with that kung mag 70-30 or eventually 60-40 or whatever it is, because we have to support our local rices so we want 70-30 para tatakbo yung local, tatakbo yung imported, hand in hand, so bababa siguro yun,” ani Laurel.
“The second plan, we’ve been trying sa DA for the last week with the samples given to us by the corn industry, is the corn blend 50-50. Kasi ang corn ngayon is 17 pesos per kilo ang white corn or 18 pesos eh ang palay natin yung height recently nasa 25.
“Ang minimum na tingin namin para kumita ang farmers sa palay in September, dapat 22 pesos wet or 27 peso dry eh at this fertilizer prices . Kung 27 yun, kunwari tapos ang corn nasa 2 , pag 50-50 mo yan bababa. And we’ve tried it in the DA for a week…personally okay siya.”
