MULING umapela ang pamilya ni Mary Jane Velasco sa Korte Suprema para igawad ang hirit na habeas corpus sa dating overseas Filipino worker (OFW) na nananatili sa piitan bunsod ng sentensya ng husgado sa Indonesia.
Bakas ang mga pagod at puyat, kinalampag nina Celia at Cesar Veloso ang kataas-taasang hukuman para sa agarang pagresolba sa inihaing Petition for Writ of Habeas Corpus na inihain noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Sa nasabing petisyon, kinuwestyon ang legalidad ng pananatili sa piitan ni Mary Jane. Kasalukuyang nakakulong ang dating OFW sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Ayon kay Atty. Kathy Panguban ng NUPL Women and Children Committee, kalakip ng mosyon ang sulat-kamay na panawagan ni Mary Jane na dinggin na ang petisyon.
“Naniniwala si Maryjane na walang sapat na batayan sa patuloy na pagkakadetine niya para sa kasong kinaharap niya sa Indonesia,” ani Atty. Panguban.
Sa hiwalay na pahayag, muling nakiusap ang mag-asawang Veloso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagkalooban na ng clemency ang kanilang anak.
Ayon sa ama ni Mary Jane, labis-labis na ang 16 na taong pagdurusa ng kanilang pamilya.
“Ako po’y nagmamakaawa sa inyo… sana po ngayong Linggo, Mother’s Day, at kaarawan ko sa May 10, ipagkaloob na po ninyo ang aming hinihingi na makapiling na namin ang aming anak,” wika ni Tatay Cesar.
