PORMAL nang inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang mga law enforcement agencies na simulan ang malawakang manhunt laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Partikular na inatasan ng DOJ ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) bilang pagtalima umano sa desisyon ng Korte Suprema na una nang nagbasura sa hirit na temporary restraining order na inihain ng mga abogado ng puganteng mambabatas.
Ayon kay Justice Secretary Frederick Vida, malinaw ang desisyon ng Korte Suprema — na isa nang ganap na pugante ang senador na pakay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kung saan nakabinbin ang kasong crimes against humanity sa likod ng madugong giyera ng nagdaang administrasyon laban sa kalakalan ng droga.
“Senator Bato is a fugitive from justice and he should be brought to the ICC to face the charges before him,” giit ng kalihim.
Ginawa ni Vida ang pahayag isang araw matapos ibasura ng Korte Suprema ang hiling ni Dela Rosa na TRO kaugnay ng warrant of arrest na inilabas ng ICC.
Aniya, “valid” ang arrest warrant na inilabas ng ICC laban kay Dela Rosa, wala na rin umano ang senador sa protective custody ng Senado, at wala rin inilabas na interim order ang Supreme Court.
Nang tanungin kung dadalhin si Dela Rosa sa The Hague o mananatili muna sa kustodiya ng PNP kapag naaresto, tumanggi na si Vida magsalita.
