SA gitna ng pabago-bagong panahon, higit na angkop tiyakin ang kaligtasan ng mga katutubo sa kabundukan.
“Kailangan nating siguraduhin na walang sinuman ang maiiwan, lalo na ang ating mga Indigenous Peoples (IPs),” pahayag ni House Speaker Faustino Dy III kasabay ng paghahain ng panukalang batas na naglalayong mapalakas ang emergency response mechanisms at pagkakaroon ng institutional representation para sa mga katutubo.
“Ang ating mga Indigenous Peoples na kadalasan ay nasa malalayong komunidad at mas vulnerable kapag may kalamidad o sakuna. Mahalaga ang mabilis, maayos, at organisadong pagtugon para agad makarating ang tulong sa kanila,” wika ni Dy matapos makipag pulong sa mga opisyal National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Sa nasabing pulong, inilatag ng lider ng Kamara ang pangangailangan bumuo ng quick response mechanism para sa mga IP sa tuwing may kalamidad, delubyo at iba pang emergency.
Pag-amin ng NCIP, bagamat batid na ang Indigenous communities ay madalas tinatamaan ng iba’t-ibang suliranin, walang kaukulang programa ang pamahalaan para sa mabilis na paghahatid ng tulong, maging ang pagpapadala ng government personnel para sila ay maligtas o mailayo sa sakuna.
Bunsod nito, tiniyak ni Dy ang pagsusulong ng Kamara sa mga panukalang batas na makakatulong at magbibigay ng malaking kapakinabangan sa IPs.
Habang tinatalakay at hindi pa ganap na naaprubahan ang panukalang batas, iminungkahi ni Dy sa NCIP na simulan tipunin at i-consolidate ang pangalan at profile IPs sa buong bansa at isumite ang data base sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mabilis na pagpapaabot ng tulong at iba pang serbisyo.
“Habang pinag-aaralan natin ang institutional mechanisms, maaari nating simulan agad ang mas maayos na koordinasyon at data gathering para mas mabilis silang maabot at matulungan kapag may krisis,” anang lider-kongresista.
Inihirit din ng NCIP kay Dy ang pagkakaroon ng aktibong consultative mechanisms kung saan titiyaking may sapat na kinatawan ang iba’t-ibang IP communities sa policymaking processes kapwa sa local at national levels.
Sinang-ayunan naman ng pinuno ng Kamara ang inisyatiba ng ahensya at sinabing mahalagang bigyan ng malakas na boses ang IPs sa mga talakayan sa pamahalaan at pagbuo ng kapasyahan lalo’t ito may kinalaman sa kanilang kapakanan, ancestral domains, kultura at kinabukasan.
“Hindi sapat na minsan lamang natin sila pinakikinggan. Kailangang may tunay at tuluy-tuloy na representasyon ang ating mga Indigenous Peoples sa policymaking process dahil mahalaga ang kanilang pananaw, karanasan, at kontribusyon sa ating bansa,” aniya pa.
