SA pag-aakalang may giyera, nagkukumahog na lumikas ang mga residente ng Barangay Butong sa Cabuyao, Laguna. Ang dahilan – sunod-sunod na pagsabog na nagmula sa umano’y pabrika ng paputok.
Bukod sa pabrika, napinsala din ang mga kabahayan sa kalapit na komunidad.
Anang mga pamilyang nakatira hindi kalayuan sa sumabog na pabrika, nakasanayan na nila ang panaka-nakang insidente ng pagsabog subalit hindi tulad ng pinakahuling pangyayari.
Paglalarawan sa insidente, parang tagpo sa giyera ang pagkukumahog ng mga residente na inakalang nilusob na ang kanilang komunidad.
Sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, lumalabas na mga nakaimbak na paputok sa bodega ang sumabog – bagay na kinumpirma naman ng Bureau of Fire Protection (BFP).
