USAP-USAPAN sa hanay ng mga senador na kabilang sa minority bloc ang planong pagdalo sa special session ng Senado sa Hunyo 17 sa kabila ng umiinit na usapin sa liderato ng mataas na kapulungan.
Ayon sa isang minority senator, nagkasundo ang Cayetano-wing na pansamantalang isantabi ang politika upang pagtuunan ang mga nakabinbin “legislative measures.”
Sa bisa ng isang proklamasyon, nagpatawag ng special session sa senado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Anang senador, mas matimbang sa ngayon ang kapakanan ng sambayanang Pilipino, kasabay ng giit na hindi ngayon ang panahon para pag-usapan ang tinawag niyang ‘ober-da-bakod.’
Aniya, malinaw ang mandato ng mga senador. Responsibilidad din aniya ng mga mambabatas dumalo sa special session para magtrabaho.
“May panahon para sa politika, palitan ng liderato, at bangayan ng dalawang kampo sa loob ng Senado… ang importante, tapusin muna ang dapat tapusin.”
Hindi rin umano angkop na idamay ang mandato dahil lang sa hidwaan sa politika.
