SA hangarin patibayin ang kaso laban kay Senador Robin Padilla, ibinalik ng Department of Justice (DOJ) sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang reklamong obstruction of justice kaugnay ng pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado noong Mayo 14.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, nais ng mga DOJ prosecutor ng karagdagang dokumento at sinumpaang salaysay mula sa ilang indibidwal na sangkot sa kaso.
“At this stage, it would be premature to comment on this ongoing investigation,” wika ni Vida.
Ayon sa Kalihim, nagpadala rin and DOJ ng liham sa abogado ni Dela Rosa para magsumite ng paglilinaw sa mga pahayag kaugnay ng pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa senador.
“Given those public pronouncements, the department considered it appropriate to formally request any information that may assist the lawfully and orderly implementation of legal processes,” dagdag ni Vida.
Target ng manhunt si Dela Rosa sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) bunsod ng naging papel sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Si Dela Rosa ang hepe ng pambansang pulisya na nagpatupad ng malawakang operasyon laban sa kalakalan ng droga mula 2016 hanggang 2019.
