IGINIIT ni House prosecutor at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon na may kapangyarihan ang Senate impeachment court na buksan ang selyadong kahon na naglalaman ng tax records ng mag-asawang Vice President Sara Duterte at Atty. Manases Carpio.
Partikular na tinukoy ni Ridon ang tinaguriang “sealed box” na isinumite ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kasagsagan ng “clarificatory hearings” ng House Justice Committee.
“It doesn’t need yung pong sinasabing exceptions doon po sa code ng BIR para mabuksan po itong box po na ito sapat-sapat na ‘yun pong kapangyarihan ng Senate impeachment court para buksan po ito pong BIR box,” wika ni Ridon.
Ayon kay Ridon, hindi mai-a-apply ang posisyon ng BIR na may batas na nagbibigay ng limitasyon sa pagsasa publiko ng tax records, na sa parte ng Kongreso papayagan lamang kung bahagi ng legislative inquiry subalit dapat ay sa pamamagitan lamang ng executive session.
“Ibig sabihin that particular provision does not actually apply to the impeachment proceedings at the House and logically when we reach the Senate. It also does not apply to the Senate impeachment court, which is why talagang panawagan ho namin buksan ito,” anang House prosecution panel member.
Samantala, nanindigan din si Ridon na dapat mabusisi ang isinumiteng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) simula nang pumasok sa gobyerno ang pangalawang pangulo noong 2007.
“Mahalaga po ito itapat yung SALN ng pangalawang pangulo from 2007 to 2024, kasi this will provide a most complete picture of the financial profile of the Vice President,” giit niya.
Punto ni Ridon, hindi magiging malinaw kung paanong umabot sa P88.5 ang idineklarang yaman ng nasasakdal sa kanyang 2024 SALN kung susundin ang argumento ng depensa.
Hirit ng depensa, 2022 SALN lang ang saklaw ng reklamo laban sa pangalawang pangulo.
“For SALN it is 2007, which is the start of her public service, would provide us a picture as to yung pong kita niya bilang public official, yung pong mga kayamanan po niya particularly assets na nakuha over the course of these years at yung pong mga utang na talaga pong nakasalang doon sa kanya pong SALNs,” pahabol ng kongresista.
