ISINAILALIM sa kustodiya ng pulisya ang apat na menor-de-edad matapos kuyugin ng saksak ang isang grade 8 student sa labas ng isang pampublikong paaralan sa Las Piñas City.
Sa ulat na nakalap ng Southern Police District (SPD), naglalakad ang hindi pinangalanang biktima at kaklase sa labas ng Las Piñas National High School nang lapitan ng limang kabataan.
Kwento ng mga saksi, agad na inundayan ng saksak ng mga suspek ang biktimang nagtamo ng sugat sa likod, leeg at balikat. Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima.
Agad naman nadakip ng mga tanod ang apat sa limang menor-de-edad, habang patuloy ang pagtugis ng pulisya sa nakatakas na suspek.
Sinampahan ng kasong frustrated at attempted murder ang mga kabataan sa likod ng panibagong insidente karahasan sa naturang paaralan.
