PARA kay Senador Mark Villar, hindi katanggap-tanggap ang nangyaring karahasan sa isang paaralan sa lungsod ng Las Piñas kung saan napaulat ang pananaksak ng limang kabataan sa isang Grade 8 student kamakailan.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Villar ang panibagong karahasan sa Las Piñas National High School sa Barangay Daniel Fajardo sa nasabing lungsod.
Panawagan ni Villar sa lokal na pamahalaan – gayundin sa lokal na pulisya, paigtingin ang seguridad sa loob at labas ng mga paaralan bilang proteksyon sa mga kabataan.
“Nananawagan ako sa lokal na pamahalaan ng Las Piñas, mga paaralan, mga awtoridad, at buong komunidad… palakasin natin ang seguridad sa loob at paligid ng mga paaralan, paigtingin ang koordinasyon ng mga paaralan, barangay, mga magulang, at law enforcement, at tiyaking may maagap na pagtugon sa anumang banta ng karahasan,” anang mambabatas.
Ayon kay Villar, hindi angkop na malagay sa peligro ang mga estudyante papasok o pauwi mula sa paaralan, gayundin ang mga kabataang pakalat-kalat sa mga lansangan.
“Sa halip na masangkot sa krimen, ang ating mga kabataan ay dapat nasa paaralan o nabibigyan ng pagkakataong makabalik sa pag-aaral at magkaroon ng maayos na direksyon sa buhay,” saad ni Villar.
“Isa itong paalala na kailangan nating palawakin ang mga programa para sa edukasyon, youth intervention, at mental health upang mabigyan sila ng tamang paggabay, suporta, at mga oportunidad upang makaiwas sa landas ng karahasan,” dugtong ng senador.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang tanggapan ng senador sa pamilya ng biktima para sa karampatang tulong sa pagpapagamot ng hindi pinangalanang grade 8 student.
Sa ulat ng pulisya, naglalakad ang biktima at kaklase sa labas ng Las Piñas National High School nang lapitan ng limang kabataan.
Kwento ng mga saksi, agad na inundayan ng saksak ng mga suspek ang biktimang nagtamo ng sugat sa likod, leeg at balikat.
Agad naman nadakip ng mga tanod ang apat sa limang menor-de-edad, habang patuloy ang pagtugis ng pulisya sa nakatakas na suspek.
Nahaharap sa kasong frustrated at attempted murder ang mga kabataan sa likod ng panibagong insidente karahasan sa naturang paaralan.
