INAMIN ng Department of Agriculture (DA) ang paggalaw sa presyo ng sibuyas sa merkado, kasabay ng ganrantiya sa mga konsyumer na hindi aabot sa P700 kada kilo ang bentahan sa merkado.
Pagtitiyak ni Agriculture Assistant Secretary Rex Estoperez, hindi na mauulit ang tagpo noong huling bahagi ng nakalipas na taon kung saan pumalo sa P750 kada kilo ang bentahan ng sibuyas sa mga pamilihan.
Paliwanag ng opisyal, walang shortage sa supply lalo na’t may nakaimbak na sibuyas pa naman aniya sa mga cold storage facilities.
“Hindi na babalik ‘yon kasi kung talagang puwersahan na, let’s open the warehouses kasi it’s emergency already na ganoon ang presyo ulit,” wika ni Estoperez sa isang panayam.
Buwan ng Disyembre 2022 nang umabot sa sukdulan ang presyo ng sibuyas bunsod ng mataas na demand na karaniwang nagaganap sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan. Sa mga naturang panahon, naglaro sa pagitan ng P700 hanggang P750 kada kilo.
Aniya pa, unti-unti naman napababa ang presyo ng sibuyas sa bisa ng pag-angkat ng gobyerno at ani ng mga lokal na magsasaka.
