MATAPOS kumalat sa social media ang video ng aktwal na pagpapakawala ng likido mula isang pumping station ng Manila Water Company Inc., hindi pa rin nabibigyang linaw ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda sa Laguna de Bay.
Ayon sa LLDA, masyado pang “premature” para maglabas ng konklusibong resulta sa tunay na dahilan ng tinatawag na fishkill sa Laguna de Bay sa bahagi ng lalawigan ng Rizal.
Giit ng LLDA, kailangan muna ang metikuloso at siyentipikong pagsusuri bago maglabas ng konklusyon.
Gayunpaman, nilinaw ng ahensya na kabilang sa posibleng dahilan ng fishkill ang malawakang algal bloom na nagdudulot ng pagbabago sa kondisyon ng tubig, pagbaba ng dissolved oxygen na nagdudulot ng matinding stress sa mga aquatic life.
Base sa inisyal na ulat ng LLDA, isang “localized environment stress” ang umiiral sa piling bahagi ng lawa.
Posibleng rin umano na apektado ang kalidad ng tubig sa pagbabago ng temperaturang dulot ng paglipat ng panahon mula tag-init patungo sa tag-ulan.
Hindi rin isinasantabi ng LLDA ang masamang panahon — pero posible pa rin naman anilang may kinalaman ang water flushing activities ng Manila Water kamakailan.
