HAYAGANG tinabla ng mga jeepney drivers ang pisong dagdag-pasahe na isinusulong ng gobyerno.
Ayon sa grupong Manibela, hindi sapat ang pisong dagdag sa umiiral na minimum fare.
Para kay Manibela chairperson Mar Valbuena, mas makatarungan sa kalagayan ng transport sector ang P2 fare increase lalo pa aniya’t tumaas ng P10.50 ang kada litro ng krudo sa bansa, dahil na rin sa patuloy na paglala ng tensyon sa Middle East.
“At least sana P2. Kasi nga yung losses pa namin noong Marso hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nakaka-recover dito. Kaya sana mapagbigyan tayo ng ating Pangulo. Kung hindi sana ito binawi noong nakaraan ay okay na sana ang piso,” ani Valbuena.
“Kaya lang napakalaki pa rin ng hinahabol natin nawalang kita ng ating mga kasamahan. Kung titingnan natin, 100% na ang itinaas nito. Yung hiniling po natin na piso noon, pre-war era pa ito, noong hindi pa po sumiklab ang giyera at hindi binigay sa atin ito. Ngayon na bibigyan tayo ng piso pa rin, panahon pa ito noong wala pang giyera,” dugtong ng lider ng mga tsuper at jeepney operators.
Bukod sa Manibela, dagdag-pasahe rin ang hirit ng grupong ACTO.
Ayon kay ACTO President — “Kailangan magtaas na ng pamasahe. Ibigay na nila yung hinihinging pagtaas ng pamasahe at kung may ibibigay pa silang ayuda sa amin eh sana matanggap na po naming lahat ulit,” giit niya.
Samantala, pinag-iisipan ng mga tsuper at jeepney operators ang pagsasagawa ng panibagong transport strike kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.
Sa pagtataya ni Valbuena, hindi bababa sa 100,000 ang inaasahang makikiiisa at lalahok sa pambansang welga.
