SA panahon ng sukdulang kahirapan, walang puwang ang pagiging gahaman.
Ito ang buod mensahe sa likod ng House Resolution 1217 na naglalayong imbestigahan ang mga gasolinahan na nagpapataw na agad ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo bago pa man ang takdang araw at oras ng oil price increase, alinsunod sa panuntunan ng gobyerno.
Sa ilalim ng HR 1217, partikular na kinalampag ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang House committee on energy magsagawa ng “congressional investigation in aid of legislation.”
Hinikayat din ng kongresista ang Department of Energy (DOE) na lumabas sa tanggapan para mag-inspeksyon — at patawan ng parusa ang mga aniya’y mapagsamantalang kumpanya ng langis, gayundin ang mga may-ari ng gas stations na mapapatunayan lumabag sa reglamento sa pagtaas ng presyo.
Sa nakalipas ng dalawang linggo, umaray ang mga operator at driver ng pampublikong sasakyan sa magkasunod ng dagdag-presyo sa krudo — P10.50 at P6.50 kada litro.
Bukas (Hulyo 28), asahan ang panibagong oil price hike, batay sa pahayag ng DOE.
